Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang pumping station sa Binondo, Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Hubo't hubad ang lalaki at bagama't walang tama ng bala sa katawan ay bugbog ang mukha nito at basag ang ngipin, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB nitong Sabado.

Nakita ang nasabing bangkay mag-aalas dose ng hatinggabi.

Ayon sa isang saksi, naghahakot ng basura ang mga operator ng pumping station matapos ang pag-ulan nang makita nila ang bangkay. Agad nilang pinag-bigay alam ito sa pulisya.

Inaalam pa ng Manila Police District ang pagkakilanlan ng biktima at ang sanhi ng pagkamatay nito. —KG, GMA Integrated News