Sa pag-aakalang hindi na sila makaliligtas nang salakayin ng Hamas ang bahay ng kaniyang among matanda sa Israel, nagpadala na ng "huling" mensahe at habilin para sa kaniyang asawa't mga anak ang isang Pinay caregiver. Pero hindi niya ipinakita sa kaniyang among matanda ang pagtulo ng kaniyang luha dahil ayaw niya itong panghinaan ng loob.
Kabilang si Myline Rivera sa ilang Pinoy na nakauwi na sa Pilipinas mula sa Israel. Kuwento niya, nagtago sila ng kaniyang amo sa bomb shelter nang sumalakay ang Hamas noong Oktubre 7.
Ayon kay Rivera, kahit nasa bomb shelter na sila, madidinig pa rin nila ang mga pagsabog at mga putok ng baril. Hanggang sa may nagtatangka na umanong buksan ang pinto ng kanilang pinagtataguan.
"Naririnig na namin 'yung tumatawag ang residents sa news na tulong kailangan namin ng sundalo sinusunog na mga bahay namin. ...'yung barilan walang hinto sir nakakatakot talaga," pahayag niya sa panayam ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.
Sa gitna nang kaguluhan at takot, ang pamilya sa Pilipinas ang kaniyang nasa isip. Sa pag-aakalang hindi sila makaliligtas, nagpadala na siya ng huling mensahe.
"Sa mga anak ko muna, sabi ko mga anak magmahalan kayo, mahal na mahal kayo ni mama. Hindi ako makakapag-reply dahil pa lowbat na ako. Sa asawa ko naman, pag-ingatan mo mga anak natin mahal na mahal kita," ani Rivera.
Matapos maipadala ang mensahe, sinabi ni Rivera na tumulo ang kaniyang luha pero hindi niya ipinakita sa kasama niyang nakatatanda para hindi panghinaan ng loob.
Ayon sa kaniyang anak na si Carlo, kinabahan siya nang matanggap ang mensahe ng ina.
"Yung time na po yun kinabahan ako kasi nagtaka ako bakit niya sinabi sa amin yun. Kasi po two days kami hindi nag-usap ng mama ko hindi siya nakikisali sa call namin," saad niya.
Ang isa pang anak ni Rivera na si John, hindi raw makatulog sa pag-iisip sa kaniyang ina.
Nakaligtas sina Rivera nang dumating na ang mga Israeli soldiers kinagabihan. Doon na rin nalaman ni Rivera na dalawang kasamahan niya ang nasawi sa Kibbutz Beeri.
Ang matalik niyang kaibigan, nawawala pa rin.
"Paglabas namin eh puro sunog na mga bahay. Naku, grabe, mga sunog na sasakyan sa loob ng village, yun giyera na talaga. ...First time ko makakita ng mga sundalong patay, civilians tatlo, kasi lumilinga ako baka may lumabas sa dilim kasi nga walang power. Grabe, parang mga bata palang yun," ani Rivera.
Ngayong nakauwi sa Pilipinas, naiisip naman ni Rivera ang naiwan niyang amo at pamilya nito sa Israel. At maging sa kaniyang kaibigan na nawawala, na patuloy niyang ipagdarasal.—FRJ, GMA Integrated News