Pinayuhan ng veteran boxing trainer na si Nonoy Neri ang dating three-division world champion na si John Riel Casimero na kumuha ng bagong trainer matapos mauwi sa "draw" ang huli nitong laban na ginawa sa Japan kontra kay Yukinori Oguni.

Sa naturang laban noong nakaraang Linggo, marami ang pumapabor kay Casimero na mananalo kontra kay Oguni.

Pero nauwi sa technical draw sa ika-apat na round ang laban nang pumutok ang ulo ni Oguni dahil sa aksidenteng banggaan ng kanilang ulo.

Ayon kay Neri, iba na ngayon si Casimero kumpara noon.

"Naninibago lang ako sa style niya kasi wala na yung mga dati na snappy na suntok niya," ayon kay Neri sa panayam ng  Sparring Sessions.

Kasama sa Team Pacquiao si Neri, at dating trainer ni Casimero.

Puna pa ni Neri, walang decoy sa diskarte ng laban ngayon si Casimero na gusto ay makuha sa isang suntok ang kalaban.

Ayon kay Neri, kung nais ni Casimero na bumalik ang dating galing, kailangan nitong kumuha ng bagong trainer, kasama ang strength, conditioning at nutritionist.

Sa ngayon, si Jayson ang tumatayong trainer ng kaniyang kapatid na si Casimero.

Sinabi ni Neri na hindi naman kailangan ni Casimero na alisin si Jayson pero dapat magkaroon ito ng head coach.

Nang tanungin si Neri kung papayag ba siyang bumalik na maging trainer muli ng 34-anyos na si Casimero, sinabi ni Neri na mas makabubuti na iba na lang.

Ngunit iginiit niya na dapat maalagaan si Casimero na kabilang sa mga pinakamuhay na boxer sa bansa.

"Sayang yung John Riel Casimero kapag pinapabayaan. Isa iyan sa mga tresure natin sa Pilipinas na isa sa magagaling nating na world champion pa," ani Neri. —FRJ, GMA Integrated News