Timbog ang tatlong mangingisda dahil sa panghuhuli ng mga isda gamit ang mga pampasabog umano sa Tanza, Cavite. Ang mga isdang huli ng mga suspek, natagpuang lasog-lasog na.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nasabat ng Special Operations Unit ng PNP Maritime Group ang bangkang sinasakyan ng mga suspek sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng Tanza.
Nakita ng mga awtoridad ang 11 balde ng mga isda na nahuli ng tatlong bangkero.
Gayunman, napansin ng pulisya ang compartment sa gitna ng bangka.
Nang buksan, nakita nila ang 18 bote ng improvised explosives na ginagamit ng mga suspek sa ilegal na pangingisda.
Bukod dito, lasog-lasog na rin ang mga isdang nakuha mula sa mga salarin.
Sinabi ng kapulisan na matagal na itong gawain ng mga inaresto.
Sinampahan ang mga suspek ng reklamong paglabag sa Section 126 ng Republic Act 10654 o possessing, dealing in, or disposing illegally caught or taken fish. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News