Arestado ang isang Indian-Pinoy matapos niyang ihalo ang P1.5 milyong halaga ng marijuana at marijuana oil umano sa mga food supplement ng body builders na kaniya sanang ipadadala sa isang tanggapan ng courier service sa Makati City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing isa umanong chef at online food business owner ang suspek.
Sinabi ng Makati City Police na dumating sa tanggapan ang suspek para ipadala ang package sa Bacolod City.
Nang iinspeksyunin na ng mga awtoridad, dito na umalma ang suspek.
Hanggang sa isang taga-courier service ang nakaamoy umano ng marijuana o illegal drugs, at ini-report ito sa pulisya.
Nakuha mula sa suspek ang P1.5 milyong halaga umano ng ilegal na droga na inihalo niya sa kaniyang package.
Ayon kay Police Colonel Edward Cutiyog, Chief of Police ng Makati City, hinalo ng suspek ang marijuana Kush at marijuana oil sa 17 kahon ng food supplements ng body builders.
Tumangging magbigay ng pahayag ang salarin, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Patuloy ang follow up operation ng Makati Police sa source ng suspek at ang probinsyang padadalahan niya ng kontrabando. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News