Dating mahilig sa mga mamahaling saksakyan, inihayag ni Joshua Garcia na mas gusto niya na ngayon ang simpleng buhay matapos ang pandemya.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing sa edad 26, natutunan na ni Joshua ang simpleng buhay.
“Noong una kasi siyempre, dahil bago lang sa akin ang lahat ng ‘yun, binibili ko talaga lahat ng gusto ko. Gusto ko ng sports car Dodge, bumili ako. Gusto ko ng motor na maganda, big bike, bumili rin ako,” sabi niya.
Ngunit dahil sa pandemya, nakapag-isip-isip si Joshua kung ano ang mas mahalaga para sa kaniya.
“Buti nangyari rin ‘yung pandemic. Doon ko na-realize kung ano ba talaga ‘yung gusto ko lang, ‘yung kailangan ko. Makakatulong ba ito sa akin? Kasi kapag tumagal after four, five years, kumusta na itong sasakyang ito sa akin. Doon ko lang din na-realize lahat kung ano ‘yung mga importante sa akin,” sabi niya.
Ayon kay Joshua, nagmula sa kaniyang pagkabata ang kaniyang pagiging isang simpleng tao.
“Hindi ako lumaking may pera, may kaya. So sabi ko sa pamilya ko, hangga’t meron ako, talagang susuporta ako. Kasi kapag dumating na ako naman ang wala, sila ang susuporta sa akin,” natatawang sabi ng aktor.
Inilahad din ni Joshua na nag-iipon na rin siya para sa hinaharap.
“Yes, kailangan ‘yon. Hindi ko siya iniipon sa bangko. Nilalagay ko siya sa mga bagay na lalago. Investing is a good way. ‘Yung mga relo, investment din para sa akin.”
Samantala, inilahad din ni Joshua ang isa sa kaniyang mga pangarap na dahilan kung bakit siya kumukuha ng culinary courses.
“‘Yung papa ko kasi, cook talaga siya. Lagi kaming nag-uusap before na gusto naming magkaroon ng restaurant. And then nagluto ako, nag-aral ako. Para sa akin kasi another way siya na maipapakita mo ‘yung pagmamahal mo sa importante sa ‘yo, sa mahal mo sa buhay,” sabi niya. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News