Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na isinailalim sa 90-day preventive suspension ang guro na nanampal umano sa namatay na 14-anyos na estudyante sa Antipolo City, Rizal.

Ayon sa ulat ni Mark Makalalad sa Super Radyo dzBB nitong Martes, nilinaw ng DepEd na ang suspensyon ay hindi parusa sa guro.

Ipinatupad umano ito habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

Matatandaan na isinugod sa ospital ang biktimang si Francis Jay Gumikib, ilang araw matapos mangyari ang sinasabing pananampal ng guro sa Peñafrancia Elementary School.

Sa mga naunang ulat, itinanggi umano ng guro na sinampal niya ang estudyante bagaman inamin nito na "dumapo" ang palad niya sa pisngi ng binatilyo.

BASAHIN: Estudyanteng nasawi matapos umano sampalin ng guro, kumpirmadong may tuberculosis

Sa resulta ng medico-legal examination sa mga labi ni Gumikib, lumitaw na positibo na mayroon siya tuberculosis.

Inaalam pa kung ano talaga ang dahilan ng pagdurugo o pamamaga ng utak ng binatilyo na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Nitong nakaraang linggo, inihayag ng DepEd Schools Division Office na isang fact-finding investigation team ang binuo para imbestigahan ang nangyari kay Gumikib.

Magsasagawa rin umano ng hiwalay na imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR).

Sa nakaraang ulat, sinabi naman ng forensic pathologis na si Dr. Raquel Fortun na dapat ikonsidera sa imbestigasyon ang pagkakaroon ng tuberculosis ng bata at ang 11-araw na pagitan nang mangyaring pananampal umano at pagkamatay ng biktima.

“It can produce meningitis. Are we not dealing with meningoencephalitis? An inflammation of the brain and the covering?  And that can be from bacteria,” ani Fortun.—FRJ, GMA Integrated News