Inusisa sa pagdinig ng Senado nitong Martes ang madalas na puna ng marami na kung bakit may mga kalsada na hindi naman "mukhang" sira pa pero binubungkal na dahil bahagi umano ng "road repair" projects.
“Gusto ko lang tanungin kayo, ‘yung mga comment ng mga tao na nagmu-murmur ba. Sabihin na ano ba itong DPWH na ‘yung kalsadang ito, matibay pa, maganda pa, binubungkal na. Tapos ‘yung sirang-sira na kalsada don 'di ginagawa, 'di inaayos,” tanong ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa nang isalang sa Senate finance committee ang hinihinging P821.107-billion budget ng DPWH para sa 2024.
“We’ve been questioning that, kahit ako nagtatanong ako… Alam kong maliliit na bagay lang ‘yan pero irritating on the part of the public. Merong magko-comment pa na sayang ang pera ng gobyerno dito. Hindi pa sira binubungkal na,” patuloy ng senador.
Ayon kay Public Works Secretary Manuel Bonoan, ginagawa ang pagbungkal sa mga kalsada na mukhang hindi pa sira dahil sa tinatawag na “preventive maintenance” na mas “economical” umano.
“It’s a very technical issue ‘yung ganyan. It is up to the preventive maintenance and reconstruction ang pinag-uusapan po natin dito. Kasi there is a point when the road starts to deteriorate and it would be more economical actually to undertake preventive maintenance,” sabi ng kalihim.
“Kaya ‘yung medyo maganda-ganda pa ang tingin ninyo pero actually the pavement starts to deteriorate. So, it would be more economical to repave it at that point of time so we can save the base and sub-base. Hindi na ho natin gagalawin 'yung base and sub-base. It’s just the pavement that we need to replace,” paliwanag pa ni Bonoan.
Mas matindi umano ang proseso ng pagkumpuni sa kalsada kapag nasira na rin ang base at sub-base.
Gayunman, sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimente III, na mahirap paniwalaan ang paliwanag ng kalihim.
“It goes against the input of our senses. Kita ng mata mo ayos pa e, pero sasabihin sa’yo ‘Hindi, sa ilalim bulok na ‘yan and yet may nakita kang tunay na bulok na hindi naman inaaksyunan,” sabi ni Pimentel.
Tinanong ni Pimentel kung mayroong monitoring system ang DPWH para patunayan ang sinabi ni Bonoan.
Ayon sa kalihim, mayroon silang computer system na nagmomonitor ng kondisyon ng mga kalsada at tulay sa bansa.
“This is the basis for the program that we are currently implementing right now. We now have a good inventory of the conditions of the roads and the bridges as well. We have a pavement management system which tells us what is now the condition of the road, ‘yung sa bridges ganun din po and what kind of intervention that we have to take. It’s a little more systematic now this time,” paliwanag ni Bonoan.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditures Program (NEP), mayroong P15 bilyon na inilaan sa special road fund na ayon kay Bonoan ay kasama ang preventive maintenance program at iba pang safety programs para sa mga national roads—FRJ, GMA Integrated News