Sa kulungan ang bagsak ng pitong empleyado ng isang travel documentation agency matapos nilang itakbo umano ang halos P43 milyon na ibinayad ng mga aplikanteng gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing ang mga nagrereklamo ang mismong dumakip sa limang babae at dalawang lalaking empleyado ng inirereklamo nilang travel agency, at napasugod sa Project 6 Police Station ng Quezon City Police District.

Sinabi ng pulisya na mahigit sa 150 ang nagrereklamo na nagbayad ng kaubuuang aabot sa P43 milyon, at umaasa silang makakapagtrabaho sa Poland, Canada, New Zealand at Australia.

Gayunman, natuklasang peke ang visa at kontrata na ipinakita sa kanila ng agency.

Nakipag-ugnayan na ang kapulisan sa Business Permit and Licensing Department ng Quezon City Hall at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Ang dalawa sa mga suspek, sinabing nadamay lamang sila.

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang dalawa pang suspek habang nakabilanggo na ang tumatayong leader matapos madakip dati sa parehong modus.

Mahaharap ang mga suspek sa mga reklamong illegal recruitment at syndicated estafa. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News