Makalipas ang 61 taon, muling naghari sa basketball sa Asian Games ang Pilipinas at naka-gintong medalya makaraang makabawi at talunin ng tropang Gilas sa finals ang Jordan, 70-60, sa kanilang laban sa Hangzhou, China ngayong Biyernes.
Taong 1962 pa nang huling iuwi ng Philippine team ang gold medal sa men's basketball sa Asian Games.
Naging maganda agad ang simula ng tropang Gilas na tinapos ang first quarter sa iskor na 17-12, pabor sa Pilipinas.
Sa ikalawang quarter, naging mahigit naman ang laban na muntik pang makaabante ang Jordan pero nagdeklara ang mga referee na not counted ang huling layup para sa iskor na 31-31.
Pero simula ng third quarter, binasag ni Rondae Hollis-Jefferson ng Jordan sa jumper shot ang pagkakatabla sa laban at makuha ang dalawang puntos na kalamangan.
Hindi naman nagpasindak ang Gilas na nagpakawala ng tatlong tres at talunin sa puntos na 20 to 10 ang Jordan. Matapos ang naturang quarter, angat na ang Pilipinas ng 10 puntos, 51-41.
Sa forth quarter, si Jefferson pa rin ang kumana para sa panimula ng Jordan para tapyasan ang lamang ng Pilipinas.
Gayunman, kaagad itong nasasagot ng Gilas kabilang ang back-to-back basket nina Ange Kouame at Scottie Thompson para mapanatili ang 10 kalamangan, 60-50.
Sa 55.4 segundo na lang ang nalalabi, lamang pa rin ng siyam ang Gilas, 64-55, hanggang sa maimarka ang final score na 70-60, mahigit apat na segundo sa laban.
Tanging ang Jordan ang tumalo sa Gilas sa elimination sa kanilang group stage sa iskor na 87-62.
Huling nanalo ng gold medal ang national team sa Asian Games noong 1962, na China ang kanilang tinalo.
Mula noon, ang pinakamataas na puwesto na nakamit ng Pinoy cagers sa Asian Games ay fourth place sa 2002 edition sa Busan, South Korea.
Dahil sa panalo ng Gilas, nadagdagan ang gintong medalya ng Pilipinas na apat na. Kabilang dito ang nagamit na gold nina pole vaulter EJ Obiena at jiu jitsu stars na sina Meggie Ochoa at Annie Ramirez.—FRJ, GMA Integrated News