Hindi man tsokolate o bulaklak, itinuturing naman ng mga guro bilang “sweetest” o “most thoughtful” ang mga iniregalo sa kanilang gulay ng kanilang mga estudyante para sa World Teachers’ Day.
Sa ulat ni Bam Alegre sa State of the Nation, makikita ang liham ng paghingi ng tawad ng estudyanteng si Kylie Bacor mula Cagayan De Oro kay Teacher Shenny dahil wala itong mamahaling regalo.
Gayunman, inabutan siya nito ng paper bag na may lamang gabi.
Ipinagmalaki ni Bacor na mismong ang kaniyang ama ang kumuha nito para may maibigay kay Teacher Shenny.
Sinabi ni Teacher Shenny na ito ang “most thoughtful present” na kaniyang natanggap.
Si Teacher Luisa Casuga Conmigo naman ng Pangasinan, nabuo ang araw sa talbos ng saluyot na iniregalo ng kaniyang Grade 5 student na si Jeric.
Nahiyang iniabot ng bata ang regalong saluyot sa guro dahil itong maibibigay na tsokolate at bulaklak.
Gayunman, sinabi ni Teacher Luisa na hindi kailangang magregalo ngunit “sweetest gift” ito na kaniyang natanggap at agad na ipinaluto. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News