Nakaligtas ang Gilas Pilipinas sa paghahabol ng Iran sa iskor na 84-83, sa nagpapatuloy na 19th Asian Games men's basketball quarterfinals sa Hangzhou, China. Dahil sa panalo, muling nakapasok ang tropang Pinoy sa semifinal na huling nangyari noong 2002.
Lamang ang Gilas ng 21 puntos pero unti-unti itong kinain ng tropang Iran sa fourth quarter sa pangunguna nina Matin Aghjanpour at Meisam Mirzaeitalarposhti, para maidikit ang laban sa 67-73.
Lalo pang kinabahan ang Pinoy fans nang makalamang ng isa ang Iran, 81-80, dahil kay Mohammadsina Vahedi. Pero kaagad itong binawi ni June Mar Fajardo mula sa sumablay na tres ni Calvin Oftana.
Muling nakuha ng Iran ang abante sa tira ni Navid Rezaeifar, 83-82, na tinapatan naman ng jumper ni Justin Brownlee, upang maiposte ang panalo ng Gilas, 84-83.
Sa kabuuan, nagtala si Brownlee ng 36 points, walong rebounds at apat na assists. Nag-ambag naman sina Fajardo ng 18 points at walong, habang may 11 points naman si Scottie Thompson.
Sunod na haharapin ng Pilipinas sa semis ang host country China, na kanilang pinadapa sa nagdaang Fiba World Cup nitong nakaraang buwan sa iskor na 96-75. —FRJ, GMA Integrated News