Dead on the spot ang isang security guard sa Caloocan City matapos siyang barilin ng kapwa niya guwardiya nitong Linggo ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Joel Moreno, 48-anyos, ayon sa ekslusibong ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Nangyari ang insidente sa isang subdivision sa Bagombong, North Caloocan pasado alas-otso ng gabi.
Naka-duty noon ang biktima nang dumating ang suspek na si Romnick Perote, 34-anyos, na naka-off duty naman.
Ayon sa saksi, nakainom ang suspek at pumunta ito sa guardhouse para magkape.
Sinita raw siya ng biktima at pinagbawalang tumambay sa guardhouse.
Dito na nagtalo ang dalawa hanggang hinampas ng biktima ang suspek gamit ang walis tingting.
Kumuha naman ng baril na nasa guardhouse ang suspek.
Sinubukan pa raw awatin ng saksi ang dalawa hanggang sa magpaputok ng baril nang ilang beses ang suspek.
Nagtamo ng tama ng baril sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima, sanhi ng kanyang pagkamatay.
Tumakas noon ang suspek ngunit naitimbre na ng Caloocan Police sa Quezon City Police District (QCPD) ang pagtakas nito patungong Novaliches.
Sa isang checkpoint sa Quezon City ay naaresto agad ang suspek.
"Naharang natin itong description na ibinigay ng Caloocan City Police Station — 'yung description ng jeep na sinakyan ng suspek at ekstaktong description ng suspek," ani Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.
Nakuha sa suspek ang isang baril na kargado ng bala.
Sa presinto naman ay kinilala ng saksi ang suspek na siyang bumaril sa biktima.
Inamin ng suspek ang pangyayari at sinabing pinagsisisihan niya ang insidente.
Nai-turn over na sa Caloocan Police ang suspek na mahaharap sa kasong murder.
Kakasuhan naman ng QCPD ang suspek sa paglabag sa gun ban ayon sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. —KG, GMA Integrated News