Dinarayo ang putok-batok na tower meals ng chicharon at crispy pata sa isang kainan sa Maynila. Ngunit ang ilang eksperto, nagpaalalang maghinay-hinay sa pagkain nito.
Sa ulat ni Katrina Son sa State of the Nation, sinabing ilan sa tinaguriang putok-batok tower meals ng naturang kainan ang Chicharong Bulaklak Tower, Crispy Pata Tower at Crispy Liempo Tower.
Level-up ang mga ito dahil literal na tower meals na pinagpatong-patong ang mga sangkap.
“May pumupuntang mga grupo, mga magkaka-classmate, mga pamilya, and they wanted something na budget friendly.That’s why we came up with that, our specials,” sabi ni Jhody Canita, part owner ng kainan.
Laging blockbuster ang pila, na dinarayo pa kahit ng mga hindi taga-Maynila.
Samantala, pinipilahan din ang isang bentahan ng chicharong bulaklak at chicharong bituka sa La Loma, Quezon City.
Halos 400 kilos ang naibebenta nila araw-araw, dahil kilo-kilo kung bumili ang kanilang customers.
“Meron talagang regular na kumukuha sa amin, isang tao lang minsan pitong kilo, apat na kilo. Masarap kasi. Saka talagang juicy siya,” sabi ni Ruth Ferreros, nagtitinda ng chicharong bulaklak at bituka.
Ngunit nagpaalala si ang registered nutritionist-dietician na si Beatrix Mercado na maghinay-hinay sa pagkain ng mga pagkaing matataba o ma-cholesterol, at makabubuti kung sasabayan ito ng prutas o gulay.
“Kung napapadalas na ito, tapos madami pa ‘yung serving talagang expect na in the future, possible ‘yung hypertension, at maliban doon, even at risk sa obesity. So may health concern talaga na involved,” sabi ni Mercado. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News