Lumitaw na miyembro ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Malabon City Police Station ang pulis na bumaril at nakapatay sa dalawang lalaki at ikinasugat ng isang babae sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na si Patrolman Zenjo del Rosario. Inaakusahan siya na bumaril sa mga biktimang sina Alexis Rodriguez at Jay Apas, na parehong nasawi, habang sugatan naman si Baby Tadiomon, kinakasama ni Apas.
BASAHIN: 2 lalaki, patay nang pagbabarilin ng pulis na pumasok sa bahay sa Malabon
Nangyari ang krimen sa mismong bahay ni Rodriguez, habang bisita nito sina Apas at Tadiomon.
Ayon kay CIDG Northern NCR Chief Police Lieutenant Colonel Dominick Poblete, sinampahan ng reklamong double murder at frustrated murder si Del Rosario.
Hindi pa natutukoy ng binuong special task group ang motibo sa pamamaril ni Del Rosario na sinabi umano sa kaniyang abogado na ginampanan lang nito ang kaniyang tungkulin.
Ngunit ayon kay Poblete, “Based sa investigations natin, personal ang lakad na ito ng suspek. Hindi sanctioned ng law enforcement unit.”
“Baka [paghuli sa mga biktima] ang purpose niya, but alam naman natin na bawal yan. May clearance 'yan, lahat ng mga operation natin,” dagdag niya.
Lumalabas din umano sa imbestigasyon na mga "drug personality" ang mga biktima.
Tiniyak naman ni Poblete at NCRPO na magiging patas ang isasagawang imbestigasyon.
Tumanggi naman si Del Rosario na magbigay ng pahayag.-- FRJ, GMA Integrated News