Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari ng Sports Utility Vehicle (SUV) na nahuli-cam na may binanggang bisikleta at kinompronta ang nakaalitang biker sa Marikina City.
Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Huwebes, ipinatawag nila sa Oktubre 3 ang taong nakapangalan sa rehistro ng isang puting Nissan Patrol. Aalamin ng LTO kung sino ang nagmamaneho ng naturang sasakyan nang mangyari ang insidente na nag-viral din sa social media.
BASAHIN: Driver ng SUV sa Cavite road rage incident, nakilala na
Kailangan umanong ipaliwanag nito kung bakit hindi siya dapat parusahan sa mga paglabag na reckless driving, disregarding traffic sign, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.
“Magsisilbing aral ito sa ating mga kababayan na mabilis ang aksyon ng LTO dito at tiyak na may kaparusahan na ipapataw kaya kailangan na kontrolin ang galit dahil wala namang mabuting idudulot ito,” sabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.
Sa viral video ng insidente, makikita ang pagbangga ng SUV sa bisikleta, at inambaan ng suntok ang biker.
Ibinalibag din ng driver ang bisikleta at inihambalang ang kaniyang SUV sa pedestrian lane.
Hindi pa malinaw ang ugat nang away ng dalawa.
Nakapaloob din sa inilabas na SCO ng LTO na suspendido ang rehistro ng sasakyan sa loob ng 90 araw maliban na lang kung kaagad na mareresolba ang kaso.
“Parami nang parami ng mga ganitong kaso pero hindi magsasawa ang inyong LTO na aksyunan ang lahat ng ito dahil kailangan nating tiyakin na ligtas ang ating mga kalsada sa lahat ng road users,” ani Mendoza.
MAYO NANGYARI
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News Saksi nitong Huwebes, napag-alaman na nangyari ang insidente noong May 16.
Ayon sa driver ng SUV na itinago sa pangalang "Ronnie,” nag-ugat daw ang away nang hindi niya pagbigyan ang biker na makatawid kahit wala sa pedestrian lane.
“Kinatok nya ang bintana sa side ng wife ko kasi dadalhin ko sa ospital ang misis ko dahil nagha-high blood nag-sign po siya ng dirty finger at pinagmumura niya ako,” ayon kay Ronnie.
“Nagsabi sya sa akin ng ‘Pu!!### mo, taong gobyerno ako. Babalikan kita.’ Doon ako lalong nagalit sa kanya, so hinarurot ko sasakyan ko na akma ko syang bubungguin, pero di ko siya binunggo. Makikita naman sa video,” depensa niya.
Nang araw ding iyon, nagkaharap at nakaroon na umano ng kasunduan ang dalawa sa Marikina Police station.
“'Yung pinag-usapan namin tungkol sa damage na nasira sa bike ko binigyan nya ako ng isang libo yung paggawa. sa cellphone ko na nagka-crack binigyan nya ako ng isang libo para mapaayos ko tapos ok na, nagkapatawaran kam, wala na kami sama ng loob,” ayon sa biker.
Samantala, sinabi ni Ronnie na kakausapin niya ang kaniyang abogado tungkol sa SCO na inilabas ng LTO.
Kamakailan lang, natukoy na ang driver ng isang sasakyan na nagsangkot din sa road rage incident sa Cavite.—FRJ, GMA Integrated News