Nalampasan ng Gilas Pilipinas ang higpit ng Thailand para iposte ang ikalawang tagumpay nila sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa iskor na 87-72.
Matapos maghabol sa iskor na 68-50 sa pagatapos ng third period, nagpakawala ng 13-0 run ang koponan ng Thailand sa panimula ng final period at tapyasin ang kalamangan ng Gilas sa 63-68.
Inabot ng may apat na minuto bago mag-init muli ang nanlamig na mga kamay ng Gilas na pinangunahan ng puntos mula kay Ange Kouame.
Mula rito, muling nakontrol ng tropang Pinoy ang laban hanggang sa maitala ang kanilang ikalawang panalo matapos ang una nilang laban kontra sa Bahrain.
Sunod na haharapin ng Gilas ang koponan ng Jordan na kinabibilangan ni Rondae Hollis-Jefferson sa Sabado. —FRJ, GMA Integrated News