Nabisto ng mga awtoridad ang P76 milyong halaga ng umano’y cocaine na isinilid sa mga lata ng biskwit at iba pang pagkain sa Ninoy Aquino International Airport 3. Ang dalawang Singaporean national, arestado.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing bumulaga sa Philippine Drug Enforcement Agency ang humigit kumulang 14 kilo ng ipinagbabawal na droga nang buksan nila ang mga lata ng biskwit at iba pang food item pasado 10 p.m. ng Miyerkoles.
Inisyal na natukoy ang mga kontrabando bilang cocaine matapos isagawa ang field test ng PDEA at kumpirmasyon ng K9 unit.
Nagmula ang mga nadakip na Singaporean national sa Doha, Qatar.
Natagpuan ang mga kontrabando sa parehong hand carry at check in luggage ng mga suspek.
Bukod dito, gumamit din ng plastic ang mga suspek para palabasing binili nila ang mga item sa Duty Free.
Naghinala naman ang mga taga-Bureau of Immigration sa profiling ng mga suspek dahil sa dami ng kanilang destinasyon bago umuwi sa Singapore.
Galing Singapore, nagtungo ang mga suspek sa Dubai, United Arab Emirates at sa Doha, Qatar, bago lumipad pa-Maynila.
Patuloy na iniimbestigahan kung saan nanggaling ang cocaine at kung sinu-sino ang mga sangkot dito.
Nakatakda namang magsampa ng kaso ang PDEA laban sa mga suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News