Nabisto ang bagong modus ng mga kawatan na kabataan na nagagawang nakawan ang mga sasakyang pumaparada sa Luzon Avenue sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, pinaghalong salisi at bukas-kotse ang modus ng mga kawatan.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na inaabangan ng grupo ang pagparada ng target na sasakyan sa gilid ng kalsada.
Kapag sandaling bumaba ang driver para may bilhin, sasalisi na ang kawatan sa kotse upang tangayin ang bag o gamit na kanilang pakikinabangan.
Kapag nakuha na ang bag, tatawid ang mga suspek sa kabilang bahagi ng highway at tatakbo sa eskinita.
“Organized siya, may look-out, panay mga bata rin. May look-out sa kabila, sa malayo,” ayon sa isang nabiktima na nawalan ng bag.
Gumagawa na raw ng karagdagang hakbang sa pagbabantay ang mga opisyal ng Barangay Matandang Balara at Barangay Culiat na nakakasakop sa Luzon Avenue.
“Pito po yan na CCTV operators. Anumang makikita nila na kaduda-duda, agad nirereport yan sa aming BPSO, then it takes appropriate action,” sabi ng Barangay Culiat Administrator Elmer Rex.
Samantala, nakahuli din daw ng mga awtoridad ng dalawang suspek na sangkot sa pananalisi sa van.--Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News