Isang malaking buwaya ang hinuli at pinatay ng mga awtoridad matapos na makitang may kagat siya na kalahating katawan ng isang babae sa Florida, USA.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng saksing si JaMarcus Bullard na inakala pa niya noong una na isang mannequin ang nasa bibig ng buwaya.
May ilang residente rin ang nag-report sa mga awtoridad nang makita nila ang malaking buwaya sa kanilang lugar.
Ngunit laking gulat ng mga deputy ng Sheriff’s Office nang makita nila na katawan pala ng tao ang nginunguya ng buwaya.
Sinabi ng emergency responders na pinatay nila ang buwaya sa “humane” o makataong paraan bago nila nakuha mula sa bibig nito ang katawan ng biktima.
Kinilala ang biktima na si Sabrina Peckham, 41-anyos, isang homeless at ilegal na tumitira sa swamp area kung saan namataan ang buwaya.
Ayon sa record ng mga awtoridad, dinakip si Peckham noong Hulyo dahil sa trespassing sa lugar.
Hindi umano niya sinunod ang babala na nagbabawal sa pagpasok sa wetlands.
Maliban sa trespassing, may record din si Peckham ng pagnanakaw at paggamit ng ilegal na droga.
Inaalam sa imbestigasyon kung buhay si Peckham nang atakihin siya ng buwaya.
Mag-isang namumuhay si Peckham at malayo sa kaniyang mga anak.
May nilinaw naman ng mga anak ni Peckham sa binuo nilang fundraising page para sa kanilang ina.
“My mother did not ‘taunt’ the alligator as some are saying in the news outlets comments. It is believed that she may have been walking to or from her camp site near the creek in the dark and the alligator attacked from the water,” sabi ni Breauna Dorris, anak ni Peckham.-- FRJ, GMA Integrated News