Naaresto na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek sa pagtangay sa mga gamit ng dalawang content creator na gagawa sana ng music video sa tulay. Ang suspek, dati nang may kaso ng pagnanakaw.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na si Robin Bilbao, residente ng Barangay Pinagbuhatan sa Pasig.
Si Bilbao umano ang nagmaneho ng motorsiklo at positibong kinilala ng mga biktima na Humphrey Dangkulos at Johann Morales.
Nang maaresto sa checkpoint, sakay ng motorsiklo na walang plaka si Bilbao.
May nakuha ring granada sa kaniya.
BASAHIN: 2 lalaki na magsu-shoot ng music video sa isang tulay sa Pasig, inagawan ng gamit ng riding in tandem
“Walang plaka yung motor niya, at nung akma siyang kukunin yung wallet niya, nakitaan natin siya in plain view ng granada. Siguro, mambibilktima na naman ulit ito,” ayon kay Pasig City Police Chief Police Colonel Celerino Sacro Jr.
Ayon kay Moreles, humingi ng tawad ang suspek pero itutuloy umano nila ang "tamang proseso."
“Humihingi siya ng pasensiya. Itutuloy pa rin namin ang tamang proseso,” Morales. “I think they deserve na mahatulan kung ano ang karapat-dapat sa kanila.”
Patuloy naman na tinutugis ang isa pang suspek na kumuha ng bag ng mga biktima na naglalaman ng mga camera, extra batteries, tripod, cell phone, at iba pang gadgets.
Ayon kay Sacro, sasampahan pa nila ang suspek ng reklamong paglabag sa COMELEC’s election gun ban.
“Sa possession pa lang ng explosives no bail na po ito, mayroon pa siyang kahaharapin na kaso in connection with COMELEC gun ban,” ani Sacro. --FRJ, GMA Integrated News