Arestado ang isang 15-anyos na lalaki na nasa likod umano ng bukas-kotse modus sa Quezon City. Ang kaniyang inang tumanggap daw ng ninakaw nitong bag, hinuli rin.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing natunton ng pulisya ang menor de edad na suspek sa isang bahay sa Barangay Pasong Tamo.
Nakilala ang menor de edad ng empleyado ng shop sa Barangay Culiat kung saan ipinarada ang AUV na kaniya umanong sinalisihan.
Sinabi ng pulisya na iniwan lang sandali ng may-ari ang kaniyang sasakyan para buksan ang kaniyang shop, ngunit natangay na pala ang kaniyang bag na may lamang P122,000.
Hinuli ang suspek sa follow-up operation ng pulisya, at ang kaniyang 34-anyos na ina nang mabawi rito ang bag.
Gayunman, P40,000 na lang ang nabawi ng mga awtoridad mula sa mag-ina.
Lumabas sa imbestigasyon na limang beses nang nadawit ang menor de edad sa bukas-kotse modus.
Nakunan din siya sa CCTV nitong Lunes sa Barangay Culiat kung saan lumapit siya sa isang sasakyan at binuksan ang pinto nito. Ilang saglit pa, tumawid na siya sa kalsada na tangay ang ninakaw na cellphone.
Kinabukasan, pinuntirya niya naman at ng isa pang kasamahan ang isang van sa Barangay Culiat pa rin, na nakunan din sa CCTV. Natangay nila ang perang aabot sa P20,000.
Hindi na nakapagsampa ng reklamo ang mga nabiktima sa dalawang insidente.
Unang nadakip ang suspek noong Disyembre 2022, ngunit nakabalik ito sa mga kaanak matapos ang pangangalaga ng social workers.
“Wala po akong alam,” giit ng nanay ng suspek.
Mahaharap ang menor de edad sa reklamong theft, bagama't nakatakda siyang i-turnover ng pulisya sa social workers.
Sasampahan naman ang kaniyang ina ng reklamong paglabag sa anti-fencing law. —KBK, GMA Integrated News