Humihingi ng tulong-pinansyal ang pamilya ng isang 18-anyos na boksingero na inoperahan sa ulo matapos na nawalan ng malay ilang oras nakaraan ang kaniyang laban sa Davao Del Sur.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing sumabak sa isang amateur boxing event sa Bansalan, Davao del Sur noong Linggo si Anselmo Tagalog Jr.

Matapos ang tatlong round na matinding bakbakan, nanalo ang kalaban ni Tagalog.

Pero ilang oras matapos nito, bigla umanong nawalan ng malay si Tagalog kaya isinugod siya sa ospital. Doon nalaman na may namuong dugo sa kaniyang ulo.

Inilipat ng ospital sa Davao City ang boksingero at inoperahan pero hindi pa rin siya nagkakamalay.

Umaapela ng tulong pinansiyal ang kaniyang pamilya para sa gastusin sa ospital.

Iniimbestigahan naman ng lokal na pamahalaan ng Bansalan ang pangyayari.

Sinusubukan pa na makuhanan ng pahayag ang organizer ng naturang boxing event, ayon sa ulat. -- FRJ, GMA Integrated News