Arestado ang isang lalaki matapos siyang mameke ng mga resibo sa Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Rupert De Asis, na nagtatrabaho sa isang motorcycle financing company bilang coordinator, ayon sa District Special Operations Unit ng Manila Police District.
Siya ang nagsasampa ng mga kaso laban sa mga hindi nakababayad ng mga inutang na motorsiklo. Ngunit nandodoktor umano ng mga resibo si De Asis.
Ayon kay Police Major Edward Samonte, hepe ng DSOU-MPD, dinadagdagan ni De Asis ng gastos ang pag-file ng mga kaso sa korte para sa mga delinquent o hindi nakababayad ng mga hulog.
Ngunit giit ni De Asis, wala siyang itinakbong pera, kundi itinatapal niya lamang ang mga nakukuha niya sa pandodoktor ng mga resibo sa utang ng ibang customer na hindi nakababayad.
Wala ring alam si De Asis na kinasuhan siya ng dating kumpanya.
Nahaharap ang suspek sa qualified theft at 43 counts ng falsification of documents na kakailanganin ng piyansang aabot sa P1.4 milyon.
Natuklasan pa ng DSOU ng MPD na may pito pang warrant of arrest ang suspek sa mga kasong qualified theft, theft at falsification of documents, na ihahain sa kaniya nitong araw.
Wala pang pahayag ang dating kumpanya ni De Asis. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News