Itinanggi ng taxi driver ang akusasyon na ginahasa niya ang isang lasing na transgender woman. Giit ng suspek, kinontrata umano siya nito para makipagtalik, bagay na itinanggi naman ng biktima.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang taxi driver para linisin ang kaniyang pangalan.
Ayon sa suspek, naging usap-usapan siya sa kanilang lugar nang lumabas ang balita tungkol sa alegasyon ng biktima.
“Nahihirapan ako sobra. Paglabas ko sa amin, nakikita ako ng mga tao, ako pinag-uusapan. Dalawang babae ang anak ko. Kaya nandito ako para linisin ang pangalan ko,” umiiyak niyang pahayag.
Una rito, sinabi ng biktima na sumakay siya sa taxi ng suspek sa Tomas Morato, Quezon City noong June 2022 matapos magpunta sa bar kasama ang mga kaibigan.
Dahil sa kalasingan, nagpahatid umano siya sa suspek sa Caloocan City.
Pero sa halip na sa bahay, sa isang motel siya sa Mindanao Avenue dinala. Dakong 5 a.m. pumasok ang dalawa sa motel at pagkaraan ng isang oras ay umalis na mag-isa ang driver.
Nang magising umano ang biktima dakong 2 p.m., nakahubad siya at nawawala ang pera niya sa bag. Tumawag umano siya sa kaibigan para magpahatid pauwi.
Pero paliwanag ng taxi driver, kinontrata siya ng kaniyang pasahero para makipagtalik.
“Kailangan ko lang po kumita eh. Pagarahe na po ako eh. Maliit lang po kinita ko nung araw na yun para may maiuwi sa pamilya ko,” saad niya.
Ang pasahero daw niya ang nagbigay ng P500 para makapag-check in sila sa motel. Nagpabuhat din umano sa kaniya ang biktima dahil sinabi umano nito na hindi na niya kayang maglakad.
Nauna umano siyang umalis dahil tumatawag na ang operator ng taxi. Kumuha lang umano siya ng pera sa biktima batay sa kanilang kasunduan.
“Eh hindi po siya magising. Ang ginawa ko po kumuha na lang ako ng pera sa bag niya po na P4,000 pero wala po akong pinakialaman gamit niya, sa cellphone niya. Kasi may pinag-usapan nga kami na babayaran niya po ako,” giit ng suspek.
Itinanggi naman ng biktima ang bersiyon ng suspek.
“Hindi ako mag-i-invest sa sarili ko magpapaganda ng ganito para magbayad…Umiiyak-iyak pa siya. 'Wag mo lokohin ang sarili mo. Mas iiyak ka 'pag lumabas talaga ang totoo,” giit niya.
Sinabi ng NBI na handa umano ang suspek at maging ang biktima na sumalang sa lie detector test.—FRJ, GMA Integrated News