Kinaaaliwan ng basketball fans ang Pinoy na si “Stepping Curry” dahil sa kaniyang pagkakahawig kay Stephen Curry, mula sa kulot na buhok at kulay ng balat, hanggang sa facial hair at signature moves ng NBA superstar.
Sa ulat ni Mark Salazar sa State of the Nation, mapapanood ang isang video ni Stepping Curry na pinagkakaguluhan siya ng mga tao sa isang mall.
Sa tunay na buhay, siya si Sherwin Altagracia na isang barbero.
Nakulangan nga lang sa height si Stepping Curry, kaya naman siya na lang si “Steph Curry Jr.”
“Naglalaro po ako ng basketball po sa half court namin, tapos bigla akong inasar ng tropa ko na ka-look-alike ko raw si Steph Curry,” sabi ni Altagracia.
Kulang man sa tangkad, bawi naman sa performance si Stepping Curry, dahil kuhang kuha niya ang mga signature moves ni Steph Curry at kung minsan ay sumusobra pa.
Dahil dito, natatawag si Stepping Curry ng traveling hindi sa court, kundi sa iba’t ibang lugar para sa mga exhibition game.
Sa kabila ng pagkakamukha niya sa GSW superstar, nagbahagi si Stepping Curry ng kaniyang sikreto.
“Idol namin si Kyrie Irving po,” sabi ni Altagracia. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News