Nagpaalala ang isang eksperto na maging mapanuri sa mga napapanood sa social media, matapos malamang skit lang pala ng mga content creator ang viral na pamamahiya at pagsaboy ng tubig ng isang galit na customer sa isang waiter.

Sa ulat ni Maki Pulido sa 24 Oras, mapapanood ang video ni Jenilyn Amazola Mondido ng pagsigaw ng customer sa waiter dahil sa palpak na serbisyo nito sa isang restaurant.

Hindi pa nakuntento ang waiter para pahiyain ang waiter, kaya binuhusan pa niya ito ng tubig, bago ibinalibag ang baso.

Maya-maya pa, lumapit ang kumukuha ng cellphone video sa naiiritang customer para sitahin ito.

Napansin ng galit na customer ang pagkuha sa kaniya ng video kaya pinatigil niya ito.

Pagka-viral ng video sa social media, may mga naniwalang tunay itong nangyari.

Gayunman, content lang pala ito ng grupong Team Malakas na sinadya nilang kinunan para mag-viral.

“Ang ginagawa po talaga namin is ‘yung mga issue in reality and then may comedy,” sabi ni Mondido.

“Ginawa po namin ‘yun kasi in reality nangyayari po talaga ‘yon,” sabi ni Mondido.

Ngunit ayon kay Jaime Misalucha, Video Content Supervisor at lecturer sa Letran, na sa dami ng gustong mag-viral na mga uploader, hindi na nila naiisip ang mga negatibong epekto ng mga pekeng content.

Nakuha na ng mga content creator ang kiliti ng mga viewer na mas pinanonood at pinaniniwalaan ang mga raw video na kuha sa cellphone.

Gayunman, dapat na maging responsable pa rin ang uploader.

“What’s important is that anything you wanted to upload online, it has to have a factual basis, lagi kang merong masasandalang katotohanan,” sabi ni Misalucha.

Payo ni Misalucha sa mga social media user, huwag agad maniniwala.

“Double check, triple check, research. There are a lot of information online,” sabi ni Misalucha.

Ayon kay Von Ero, na siyang manager ng restaurant kung saan kinunan ang eksena, totoo namang nangyayari ang pagwawala ng mga customer, kahit hindi man totoo ang viral video.

“Hindi naman talaga nangyayari na always right si customer. Dapat naka-indicate roon kung anong klaseng rights nila,” sabi ni Ero.

Ngunit may protocols na ang malalaking restaurant chains tungkol sa mga abusadong customer, gaya ng pagpapatawag ng security.

Kahit na nagbabayad para sa serbisyo ang customer, wala pa rin siyang karapatang maging abusado. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News