Napaiyak na lamang ang isang misis nang iwanan siya ng kaniyang mister matapos itong mahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagmomotor nang walang lisensiya sa IBP Road sa Quezon City.
Sa isang tweet ni Luisito Santos ng Super Radyo DZBB, mapapanood na napahagulgol na lamang ang babae habang pinakikiusapan ni retired Colonel Bong Nebrija, hepe ng MMDA Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit, na tanggapin ang apprehension.
Isinagawa ng MMDA ang operasyon bilang bahagi ng paglilinis sa paligid ng Batasang Pambansa, alinsunod sa paghahanda sa budget hearing simula sa Lunes.
Natiketan ang 32 motorista habang 20 sasakyan ang nahatak sa isinagawang clearing operation.
Ipatutupad ang Special Traffic Scheme sa bahagi ng IBP Road at Batasan – San Mateo Road.
Unang sinuyod ng MMDA ang IBP Road kung saan isang UV express na ilegal na nakaparada sa tapat ng terminal ng tricycle ang hinatak dahil walang driver. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News