Sugatan ang isang menor de edad matapos siyang kuyugin ng mga tao sa Navotas. Ang biktima, napagkamalan na sumaksak at nakapatay sa isa ring menor de edad.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video sa nangyaring kaguluhan sa harap ng barangay hall ng Barangay Tangos North sa Navotas nitong Huwebes ng gabi.
Makikita na pinagsusuntok ng mga tao ang biktima kahit inaawat na sila ng mga pulis.
“Nagmamakaawa ako sa kanila, sabi ko tama na. Tuloy-tuloy pa rin sila,” ayon sa biktima na si Allen John Caneso na lumitaw na hindi pala sangkot sa krimen.
“Wala naman akong kasalanan. Bakit ginawa nila sa akin ito?”
Nagtamo rin ng galos at pasa ang mga pulis na umawat.
“Inisip naming na makuha na lang [yung biktima] kasi kawawa talaga. Grabe na yung tama ng tao, mahirap na kunin. Eh baril pa namin. ‘Yun pa yung una, kasi baka maagaw,” sabi ni Police Corporal Christian Jano.
“Pinairal po naming ang maximum tolerance namin na wala kaming masasaktan. Ang intensyon lang namin, mailabas yung suspek sa barangay at maidala ang headquarters,” dagdag naman ni Police Corporal KC Fajardo.
Nasa labas ng barangay hall ang mga pulis para sunduin ang tunay na suspek sa krimen.
Nakita sa CCTV camera sa labas ng barangay hall na naglalakad ang biktima nang may sumunod sa kaniya.
Ayon sa biktima, may sumuntok sa likod niya at sumigaw na siya ang suspek at doon na siya sinimulang kuyugin.
Nakuha naman ng mga pulis ang tunay na suspek sa pananaksak at pagpatay sa 16-anyos na biktima na dahil umano sa away ng mga grupo.
Dahil menor de edad ang suspek, ibinigay siya sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development. Habang inaalam naman ng Navotas Police kung sino ang nagpasimula ng paggulpi kay Caneso. —FRJ, GMA Integrated News