Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking miyembro umano ng criminal gang matapos mangholdap ng pasahero sa loob ng jeep sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang 34-anyos na suspek na si Joseph Tanoan, alyas Benjamin Fajardo, na miyembro umano ng Bembol group.

Nagpanggap na pasahero ang suspek saka tinabihan ang babaeng biktima.

Pagtapat ng jeep sa Lung Center of the Philippines, dito na nagdeklara ng holdap ang suspek gamit ang kutsilyo at kinuha ang cellphone ng biktima, ayon sa pulisya.

Tiyempo namang napansin ng patrol group ang insidente kaya agad hinabol at nadakip ang suspek.

Nabawi kay Fajardo ang ninakaw na cellphone at isang kitchen knife.

Sinabi ng pulisya na sangkot sa mga serye ng panghoholdap sa Quezon City ang grupo ni Fajardo.

Ikalimang beses nang makukulong ni Fajardo matapos madawit sa ibang krimen gaya ng frustrated murder, ilegal na droga, at pagnanakaw.

Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery at illegal possession of bladed weapons in relation to Omnibus Election Code.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News