Isang bahay ang nasunog sa Tondo, Manila nitong Martes ng hapon na ikinasawi ng dalawang batang magkapatid kahit kaagad na naapula ng mga bumbero ang apoy.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Martes ng gabi, sinabing nangyari ang sunog sa Barangay 155 dakong 4:24 pm at naapula agad ng mga bumbero ang apoy pagkaraan lang ng halos 30 minuto.

Wala ring ibang bahay na nadamay pero nasawi ang magkapatid na edad apat at siyam, na wala umanong kasamang nakatatanda sa kanilang bahay nang mangyari ang sunog.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng sunod. -- FRJ, GMA Integrated News