Nasawi ang isang pitong-taong-gulang na babae sa Maynila matapos maratay ng ilang araw sa ospital. Bago pumanaw ang biktima, naikuwento niya ang ginawang pananakit umano sa kaniya ng sariling ama nang pakialaman niya ang sukli nang may ibinili ang suspek.
Sa ulat ni Marisol Abdurahmann sa GMA News “24 Oras nitong Martes, kinilala ang biktima na si Catherine Joy “CJ” Lloren. Pumanaw siya dahil sa acute respiratory failure and multiple physical injuries noong Agosto 26 matapos na maratay ng ilang araw sa ospital.
“Pinagbabatukan daw siya ng papa niya. Kasi inutusan daw siya [na] bumili, P37 daw ang dala niyang pera. Pagkatapos yung sukli pinakialaman daw po niya dahil ibibili daw sana niya ng tinapay na ube,” sabi ni Margarita Napacia, lola ng biktima.
“Siya daw po ay sinakal ng tatay at pinagsusuntok yung ulo,” dagdag ng lola.
Isinugod ni Napacia ang kaniyang apo sa ospital noong August 21 matapos na lagnatin ang bata noong August 18.
Ikinuwento rin umano ni CJ sa lola na hindi iyon ang unang pagkakataon na sinaktan siya ng kaniyang ama na si Carlo Danni, na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.
“[Sabi ng bata] ‘Nanay [tawag ng biktima sa lola] ipakulong mo na po si papa kasi salbahe siya’. Sabi ko bakit? eh kasi binubugbog niya kaming magkapatid. Tsaka si mama,” sabi pa ni Napacia.
“Sobrang sakit kasi gusto ko siyang mabuhay at makasurvive pero di niya kinaya. Bukod sa malambing, matalino, at masayahin. Kaya sobrang sakit eh,” dagdag niya.
Inamin naman ng ina ng biktima na si Karen Napacia, na totoo na sinasaktan din siya ng suspek.
“Kahit ako nasasaktan. Minsan naabutan ko na sinasaktan niya yung bata. Nag-aaway kaming dalawa. Siyempre ako bilang ina hahayaan ko bang masaktan ang mga anak ko?” anang ginang .
Ayon sa pulisya, nagtatago ngayon ang suspek matapos ang insidente. Ngunit bago umalis, nag-iwan ito ng sulat kung saan sinabi niya na hindi raw niya sinasadya ang nangyari.
“Ito po sulat-kamay na na-recover natin sa bahay…Parang admission ito,” sabi ni Manila Police District Director Police Brigadier General Andre Dizon.
Pinayuhan ng pulisya ang suspek na sumuko, at inihahanda ang reklamong parricide na isasampa laban sa kaniya. --- Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News