Patay ang isang 41-anyos na babae nang pagbabarilin siya ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo sa Pasay City. Ang biktima, makakaligtas pa sana nang hindi kaagad pumutok ang baril ng salarin.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa San Juan St. sa Barangay 8 nitong Linggo ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakatayo sa gilid ng daan kasama ang dalawa pang babae.

Maya-maya lang, isang motorsiklo na may dalawang sakay ang dumating at tumigil sa tabi ng biktima.

Bumanot ng baril ang nakaangkas sa motorsiklo at malapitang tinutukan ang biktima pero hindi pumutok ang baril.

Nagtakbuhan ang tatlo pero muling pinaputukan ng suspek ang biktima.

Maging ang rider ng motorsiklo, naglabas na rin ng baril ang pinapukan ang babae.

Nakalakad pa ang biktima pero natumba rin sa gitna ng kalsada at nasawi bago pa man madala sa ospital.

Ayon sa pulisya, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang salarin.

Hindi pa malinaw ang motibo ng krimen pero posible raw na may kinalaman ito sa trabaho ng babae na hindi muna isinapubliko habang patuloy pa ang imbestigasyon.

Tumanggi naman ang mga kanak ng biktima na magbigay ng pahayag.--FRJ, GMA Integrated News