Ipasasauli ng Philippine National Police (PNP) sa dating pulis na si Wilfredo Gonzales ang mga nakuha niyang retirement benefits nang umalis siya sa serbisyo. Si Gonzales ang motorista na nahuli-cam na binatukan at kinasahan ng baril ang siklista na nakaalitan niya sa kalye sa Quezon City.
“As a matter of procedure, we are already preparing a demand letter for Patrolman Gonzales to return the money,” sabi ni PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS) director Police Brigadier General Niño David Rabaya sa press conference nitong Lunes.
“We are already taking initial actions for the recovery of the said payment of his pension,” dagdag nito.
Ayon kay Rabaya, nakuha ni Gonzales ang lump sum ng kaniyang pensyon para sa tatlong taon na mula 2016 hanggang 2019.
Nakapagretiro si Gonzales habang may nakabinbin na reklamong kinakaharap.
Sinabi ni Rabaya na natigil ang pensyon ni Gonzales noong 2019 nang matanggap ng PRBS ang dismissal order laban sa dating pulis.
Kung hindi umano ibabalik ni Gonzales ang natanggap na retirement benefits, sinabi ni Rabaya na sasampahan nila ito ng kaso.
Una rito, kinumpirma ng Korte Suprema na tauhan ng isang mahistrado si Gonzales. Pero inalis na raw ito sa serbisyo nang makarating sa kanilang kaalaman ang kinasangkutang insidente sa siklista.
Sinampahan ng pulisya ng reklamong alarm and scandal si Gonzales.
Samantala, nagsampa naman ng reklamo si Atty. Raymond Fortun sa People’s Law Enforcement Board (PLEB) laban sa mga pulis na humawak sa insidente ni Gonzales at siklista.
Ayon kay Fortun, pinagbayad pa umano ng P500 ang siklista bilang bahagi ng kasunduan ng dalawa sa nangyaring iringan sa kalye nang dalhin ni Gonzales sa police station ang siklista.
Sinampahan ng abogado ang mga inirereklamong pulis ng oppression, irregularities in the performance of duties, at incompetence under Rule 21 of the National Police Commission (NAPOLCOM) Memorandum Circular 2016-002.—FRJ, GMA Integrated News