Pinawalang-sala ng korte sa Maynila ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa sa kasong illegal possession of firearms and explosives kaugnay sa ginawang pagsalakay ng mga awtoridad sa bahay ng kaniyang ama noong August 2016.
Sa apat na pahinang desisyon, inihayag ng Manila Regional Trial Court Branch 16 na inabsuwelto si Espinosa dahil sa kabiguan ng panig ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng nasasakdal na "beyond reasonable doubt."
“The prosecution miserably failed to prove the guilt of accused Rolan Espinosa y Eslabon alias ‘Kerwin Espinosa’ beyond reasonable doubt that he was in effective control and possession over the firearms/weapons and ammunitions neither was he in actual nor constructive possession of the same,” ayon sa korte.
Ibinasura ang kaso laban sa ama ni Espinosa matapos itong barilin at mapatay sa loob ng kulungan ng Baybay City Jail sa Leyte noong November 5, 2016.
Sa naturang raid sa bahay ng nakatatandang Espinosa sa Barangay Binolho, Albuerta, Leyte noong August 2016, ilang armas at pampasabog umano ang nakumpiska.
Anim na tauhan din ni Espinosa ang nasawi sa naturang raid.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, binawi ng testigong si Marcelo Adorco ang kaniyang pahayag na bodyguard o driver siya ng nakababatang Espinosa.
Sa halip, sinabi ni Adorco na nagsisilbi siyang bodyguard at driver ng nakatatandang Espinosa na dating alkalde.
Idinagdag pa ni Adorco na ang mga armas ay nakumpiska sa bahay ng dating alkalde, at wala umanong alam tungkol dito ang anak na si Espinosa.
Inatasan ng korte ang Manila City Jail na palayain na si Espinosa, maliban na lang kung may iba pa itong kinakaharap na kaso.
Sa ngayon, may nakabinbin pang money laundering case si Espinosa. —FRJ, GMA Integrated News