Matapos ilampaso ang koponan ng China sa 2023 FIBA World Cup nitong Sabado sa iskor 96-75, inihayag ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes ang intensyon niyang itigil na ang paggiya sa pambansang koponan.
Sinabi ni Reyes na nabuo ang kaniyang desisyon matapos niyang kausapin ang kaniyang pamilya.
Aminado siyang naapektuhan siya sa mga kritisismo ng publiko na tinawag niyang "too heavy' to handle."
"I arrived with that decision with my family. I just think it’s time," sabi ni Reyes sa mga mamamahayag sa post-game interview.
"We fought all of those opponents, Italy, Dominican, Angola, but we fell short. But France didn’t advance, Australia is not advancing, there’s so many powerful teams that are not advancing," pahayag niya.
"Pero sa Pilipinas, bawal matalo eh. Dito sa atin, bawal matalo," dagdag pa ni Reyes.
Ayon pa kay Reyes, masyadong masakit ang mga nababasa niyang puna sa social media.
"Just to be very honest, bastos naman talaga ‘yung mga ibang pinagsasabi so I don't deserve it and my family doesn't deserve it," giit niya.
Una rito, sinabi ni Reyes na ipinauubaya na niya sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang desisyon tungkol sa pagiging coach niya ng Gilas matapos makalasap ng sunod-sunod na pagkatalo sa idinaraos na World Cup.
Sinabi rin ni Reyes na ipinaalam na niya kay SBP president Al Panlilio ang plano niyang pagbibitiw bilang coach ng Gilas bago pa man ang laban nila sa China.
"Through all the preparations and through all these times, I always said that 'judge us in the World Cup', regardless of what happened from the time I was appointed to today," sabi ni Reyes.
Nakapagtala ng 1 panalo ang Gilas laban sa China, at apat na magkakasunod na talo laban sa Dominican Republic, Angola, Italy at South Sudan.
"And obviously we didn't perform and like I said in the last game, I take full accountability. And because of that I think it's time for me to step aside," dagdag pa ni Reyes.
Humalili si Reyes bilang head coach ng national team noong January 2022 makaraang magbitiw ang dating coach na si Tab Baldwin na tinutukan naman ang koponan ng Ateneo de Manila Blue Eagles. —FRJ, GMA Integrated News