Isa sa mga hindi malilimutan ng mga manonood tungkol kay Mike Enriquez ang trademark niyang “Excuse me po!” na kaniyang sinasabi sa tuwing masasamid siya sa ere.
Pero ano nga ba ang kuwento sa likod nito?
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras, ikinuwento ni Maan Zamora, floor director ni Mike ng 20 taon, na pagdating sa studio, may pagka-pasaway si Mike.
Habang commercial kasi, kumakain si Mike ng kutkutin tulad ng mani.
“Sabi ng director, sabi ng EP, ‘Sabihin mo huwag na kasing kumain.’ ‘Ano ang gagawin niyo, nagugutom ako?’ May mga ganu’n siya. Kahit sabihan ko siya gagawin pa rin talaga niya,” pag-alala ni Zamora.
“Sabi nga niya, cariño brutal siyang magmahal. So kung hindi ka niya pagagalitan, hindi kayo mahal, hindi kayo close,” dagdag ni Zamora.
Isa sa supplier ni Mike ng mani si Ate Lanie ng COOP canteen ng GMA.
“Sana may mani sa itaas diyan para hindi mo kami makalimutan,” mensahe ni Lanie kay Mike, na pumanaw sa edad 71.
May paliwanag naman si Mike tungkol sa pagsasabi niya ng "Excuse me po!"
“Kasi bata pa kami, sinanay na kami na kapag inuubo ka o kapag binahing ka, dapat mag-e-excuse me po ka,” paliwanag naman ni Mike sa isang video ng GMA Integrated News.
“Good manners and right conduct ‘yun. Akala ng mga tao arte ‘yun eh o gimik. Hindi po. No way. Parang ‘yung excuse me po, parang pag-mano sa nakatatanda. Hindi gimik ‘yon,” pagpapatuloy ni Mike.
Magsisimula ang araw ni Mike sa tanggapan ng Super Radyo DZBB.
Kahit may cellphone na, gumagamit pa rin si Mike ng hand-held radio at naroon pa ang kaniyang transistor sa loob ng kaniyang opisina.
“Si Sir Mike kahit saan siya magpunta, dala niya sa kotse, nakikinig ‘yan. Hangga’t hindi pa sira, hangga’t gumagana pa, gagamitin niya,” sabi ni Bernadeth Enriquez, 15 taon nang Executive Assistant ni Mike.
Ayon pa kay Bernadeth, strikto bilang isang boss si Mike, ngunit mapagbigay.
“Nagka-cancer ‘yung ate ko, he was able to help me and ‘yung family ng husband ko, ‘yung father-in-law ko, ‘yung brother niya,” sabi pa ni Bernadeth.
Sa labas ng opisina at studio, palabiro at mabuting kaibigan si Mike.
Inilahad ni Willie Inong, kaibigan sa pagkabata at kapwa DJ ni Mike noon sa radyo, kung saan nagmula ang palayaw ni Mike na “Booma.”
“Mars Ravelo Filipino comics. Elepanteng malaki noong 1950s, 60s ‘yun eh, tinawag ng mga kaibigan niya ‘yun sa kaniya. Over time, nagustuhan ni Mike,” sabi ni Willie.
Huli niyang nakausap si Mike bago ito isinugod sa ICU dalawang linggo ang nakalilipas.
Hanggang sa huli, gustong bumalik ni Mike sa ere.
“He kept saying, ‘Willie, next week, they already talked to me, I’m gonna go back to the air next week,’” kuwento ni Willie.
Nakaburol si Mike sa Christ The King Parish, Greenmeadows sa Quezon City.
Kilala siya bilang anchor ng “24 Oras” at “Imbestigador” at mga programa ng DZBB gaya ng "Super Balita sa Umaga" and "Saksi sa Dobol B." —VAL, GMA Integrated News