Masuwerteng walang tinamong sugat o kahit galos ang isang babae na bumibili sa tindahan matapos na halos matumbok siya ng isang sasakyan sa Bengaluru, India.


Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa kuha ng CCTV camera ang babae na bumibili sa tindahan na nasa gilid ng kalsada.

Habang may kausap siya sa cellphone, bigla na lang dumating ang isang humaharurot na sasakyan mula sa kaniyang likuran.

Sandaling naglaho sa CCTV ang babae dahil sa mga bagay na nabangga ng sasakyan. Aakalain na nahagip din o naipit ng sasakyan ang babaeng bumibili.

Gayunman, ikinabigla ng mga saksi na nananatiling nakatayo sa gilid ng tindahan ang babae at walang tinamo ni isang galos.

Tila hindi rin makapaniwala ang babae sa nangyari at itinuloy lang ang pakikipag-usap niya sa telepono.

Tumakas at nagdire-diretso ang sasakyan matapos bumangga sa tindahan.

Ayon sa pulisya, walang ibang nasaktan sa insidente ngunit nasira ang ilang paninda roon.--FRJ, GMA Integrated News