Nakunan ang pagpapambuno ng isang pulis at isa umanong retiradong miyembro ng Philippine Army matapos magkagitgitan sa panulukan ng Arnaiz at Osmeña Highway sa Makati City.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter na si Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang video ni Joon Olavere kung saan pinapangibabawan ng pulis, na nakasuot ng puting t-shirt, ang nakahelmet na rider na isang retiradong sundalo.
Ginagamit ng pulis ang kaniyang binti at tuhod para hindi makabangon ang rider mula sa pagkakahiga sa kalsada.
May kinuha ang pulis mula sa baywang ng rider gamit ang kaliwa niyang kamay, na isa umanong baril. Ang kanang kamay naman ng pulis, may hawak ding baril.
Sinabi ni Olavere na nangyari ito Agosto 25 pasado 7 a.m.
Kinumpirma ni Police Colonel Froilan Uy, hepe ng Pasay Police, na isang pulis Pasay ang nakaputing t-shirt sa video, at naka-assign sa Police Community Precinct 4 at papasok sa trabaho nang mangyari ang insidente.
Nag-cut umano ang rider sa pulis.
“Noong cinut (cut) siya, siyempre hinabol niya, and para malaman na mali ‘yung ginawa ng rider at kamuntik kasi siyang mabangga. Habang kinokompronta ito at sinasabi sa kaniya ‘yung kaniyang pagkakamali, nag-dirty finger pa ito at minura siya. Akmang bubunutan siya ng baril. Kaya ang ginawa ng pulis natin, may presence of mind, dinakma ‘yung kamay nito. At nagpambuno na sila,” sabi ni Uy.
Base sa impormasyong nakarating sa kaniya, nagpakita umano ng ID ng isang retired Philippine Army ang rider. Nakuha rin sa kaniya ang isang baril.
Handang makipagtulungan ang Pasay Police sa imbestigasyon.
Tinungo ng GMA Integrated News Martes ng gabi ang Makati City Police Substation 3, ngunit wala sa kanila ang rider, na nagpaalam na uuwi ng bahay para kunin ang mga dokumento ng dala niyang baril.
Ni-relieve na ni Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati Police, ang Station Commander ng Substation 3 matapos hayaang makaalis ang rider. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News