Nagtapos na ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup 2023 matapos matalo sa tropa ng Italy sa iskor na 90-83, sa kanilang laban nitong Martes sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Walang naipanalong laban ang Pilipinas (0-3) sa Group A ng torneo. Nauna nang natalo ang Gilas kontra sa Angola at Dominican Republic.

Naging mainit ang mga kamay ng team Italy sa tres na bumuslo ng 17 sa kanilang 41 attempts (41%).

Anim sa kanila ang nagmarka ng tig-double digits sa iskor upang maging pangalawa sa team standing sa Group A at makausad sa susunod na bahagi ng World Cup.

Tumirada ng 18 points ang Utah Jazz swingman na si Simone Fontecchio, habang 14 naman ang iniambag ni Giampaolo Ricci at 13 mula kay Marco Spissu.

Sa tropa ng Gilas, muling nanguna si Jordan Clarkson na may 23 puntos, na sinundan ni Dwight Ramos na may 14 puntos, at sinamahan ng tatlong assists, two rebounds, at dalawang steals.

Bagaman natambakan ng 17 puntos (88-71), sa nalalabing 3:10 ng laro, nabuhayan ng loob ng Pinoy fans nang umarangka ang Gilas ng 10 sunod-sunod na puntos mula kina Kiefer Ravena at Clarkson, at maidikit ang laban sa 88-81, sa nalalabing 1:43 ng laro.

Pero hindi na naging sapat ang huling arangkada ng tropang Pinoy hanggang sa maimarka ang final score na 90-83 para sa panalo ng Italy.

Maglalaro pa rin ang Gilas para sa "classification round" kung saan nakataya naman ang "tiket" para makasali sa Paris Olympics.

Iskor:

Italy 90 – Fontecchio 18, Ricci 14, Spissu 13, Tonut 13, Pajola 11, Melli 10, Polonara 6, Datome 5, Severini 0.

Gilas Pilipinas 83 – Clarkson 23, Ramos 14, Pogoy 9, Abando 8, Edu 8, Ravena 8, Malonzo 7, Fajardo 4, Sotto 2, Aguilar 0, Perez 0, Thompson 0.

Quarters: 20-23, 48-39, 73-60, 90-83.

—FRJ, GMA Integrated News