Iminungkahi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ibalik ang pito at batuta sa mga pulis matapos ang nangyaring pamamaril sa binatilyong si Jemboy Baltazar.
Inihayag ito ng senador na dating hepe ng Philippine National Police, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ng 7-anyos na si Baltazar na binaril ng mga pulis matapos na mapagkamalan nilang suspek sa isang krimen.
“As we were going down the elevator kanina kasama ko si chief PNP (General Benjamin Acorda), sinabi ko sa kanya na siguro ‘wag na kayong mag-intay pa na gagawa pa tayo ng batas, ang Senado o Kongreso gagawa pa ng batas. Gawin ninyo na ngayon, unahan na ninyo, you make your own policy ibalik ninyo ‘yan as part of the uniform ‘yung batuta at saka ‘yung pito para sige tayo sabi ng force continuum dito from non-lethal to less lethal to lethal pero as part of the uniform, meron ba kayong less lethal equipment d'yan? Wala,” sinabi ni Dela Rosa nitong Martes.
Paniwala ni Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na gumamit kaagad ng baril ang mga pulis sa nangyari kay Baltazar dahil walang "less lethal" na armas ang mga pulis.
“Wala kayong pito, wala kayong batuta. Ang meron lang baril. So kaya nga siguro diretsong gumagamit ng baril dahil walang ibang option na ginagawa ang kapulisan kundi diretsong baril ang gamit. So babalik tayo ngayon sa traditional [policing] na kailangan as part of uniform ng isang pulis, may batuta, may pito,” pahayag niya.
“Importante talaga dahil kapag nakita ka ng tao na tumatakbo pituhan mo. That’s a sign of authority. Para hindi tatakbo ‘yun. Hindi ‘yung paputok agad,” patuloy niya.
Ayon pa kay Dela Rosa, kung hindi na gusto ng mga pulis ang tradisyunal na batuta, mayroon na ngayon na mga modernong pamalo gaya ng telescopic baton.
Sa pauna niyang pahayag, iginiit ni Dela Rosa na dapat gamitin lang ng pulis ang kanilang baril kapag nalalagay sa panganib ang kanilang buhay.
“The use of firearms is justified if the offender poses an imminent danger of causing death or injury to the police officer or other persons. The police shall not use warning shots during police operations except if the police officer is outnumbered and overpowered and his or her life… is in imminent danger,” giit niya.
“Tila may kalituhan ang ating mga pulis hinggil sa pagkakasunod-sunod ng use of force continuum kaya’t marahil baligtad ang kanilang pagkakabasa o pagkakaintindi. Imbes na unahin ang non-lethal approach ay mas pinili nilang unahin ang pinakamabigat at pinakamapinsala na lethal approach,” dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News