Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-day preventive suspension ang driver's license ni Wilfredo Gonzales, ang motorista at dating pulis na nag-viral ang video na nahuli-cam na binunutan at kinasahan niya ng baril ang isang siklista na nakagitgitan niya sa kalsada sa Quezon City.
“Ang ipinataw nating preventive suspension ay isang mabilis na aksyon mula sa inyong LTO upang matiyak na hindi na niya uulitin ang nangyaring pananakit at paglabas ng baril sa isang bicycle rider,” ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II.
Sinabi ni Mendoza na may kapangyarihan ang LTO na suspindihin ang lisensiya ni Gonzales sa pagmamaneho sa bisa ng Section 27 ng Land Transportation and Traffic Code.
Ayon sa opisyal, hindi pa pinal ang naturang desisyon dahil hihintayin pa ang resulta ng ginagawang imbestigasyon kay Gonzales.
“Kasalukuyang ini-imbestigahan ang kasong ito at depende sa outcome ng pag-iimbestiga, maaring permanent revocation at lifetime na hindi na siya maiisyuhan ng driver’s license,” sabi ni Mendoza.
Ipatatawag umano ng LTO si Gonzales para hingin ang kaniyang paliwanag kung bakit hindi dapat gawing permanente ang suspensiyon sa kaniyang lisensiya.
Una nang binawi ng Philippine National Police (PNP) ang license to own and possess firearms (LTOPF) at permit to carry firearms outside of residence ni Gonzales.
Ayon kay PNP chief information officer Police Brigadier General Red Maranan, mayroong tatlong baril na nakalagay sa pangalan ni Gonzales.
“’Yung tatlong baril, as a matter of procedure, 'pag na-revoke ang iyong LTOPF ay susulatan ka para ang mga baril mo ay i-turn over mo sa Firearms and Explosive [office]. Pagka 'di mo sinurrender ‘yon ay kukunin namin ‘yon by way of search warrant,” paliwanag ni Maranan.
Idinagdag ng opisyal na kung hindi isusuko ng driver ang kaniyang mga baril, maaari siyang makasuhan ng illegal possession of firearms at arestuhin. -- FRJ, GMA Integrated News