Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ngunit walang suot na helmet matapos silang mahulihan ng baril at bolt cutter sa Las Piñas City.

Ayon sa ulat ng Super Radyo DZBB, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, dumaan ang dalawang lalaki sa gitna ng Oplan Sita sa Barangay Pulang Lupa.

Pinara ng mga awtoridad ang mga suspek ngunit sa halip na tumigil, dumire-diretso ang dalawa.

Hinabol sila ng pulisya hanggang maaresto at doon nakumpiska sa kanila ang baril at bolt cutter.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.

Ipinagbabawal ang pagdadala ng baril dahil sa umiiral na gun ban kaugnay sa isasagawang barangay at Sangguniang Kabataan elections.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News