Patung-patong na asunto ang haharapin ng isang motorcycle rider matapos mahulihan ng sumpak nang magtangkang tumakas sa checkpoint dahil walang suot na helmet sa Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, pinadapa at pinosasan ng mga pulis ang suspek na si Jomar dela Cruz.
Sinita umano sa Comelec checkpoint sa Quirino Highway si Dela Cruz dahil walang suot na helmet. Nang hanapan ng dokumento gaya ng lisensiya at OR/CR (official receipt/certificate of registration), bigla umanong humarurot ang suspek na humantong sa habulan.
Pagkahuli sa suspek, napag-alamang wala ring plate number ang kaniyang motor.
Nahulihan din si Dela Cruz ng sumpak na kargado ng mga bala.
Ito na ang ikaapat na beses na makukulong ang suspek matapos masangkot sa kasong pagnanakaw, ilegal na droga, at pagsusugal.
Mahaharap si Dela Cruz sa mga reklamong resistance and disobedience to a person in authority, paglabag sa Motorcycle Helmet Act, at "Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act" in relation to the Omnibus Election Code.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News