Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider na mabilis umano ang takbo matapos siyang sumalpok at pumailalim sa isang 14-wheeler truck sa Navotas City.

Sa ulat GMA Integrated News reporter na si James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente sa Lapu-Lapu Avenue pasado 1 a.m.

Mabilis umano ang takbo ng rider, ayon sa isang saksi na tricycle driver.

Nanggaling ang truck sa kanilang garahe at papunta sana sa Malabon.

Nagulat na lamang ang truck driver nang makarinig siya ng pagkalabog.

Dinala sa ospital ang rider na biktima, na hindi na nakunan ng pahayag.

Nasa kustodiya naman ng Navotas Police ang truck driver, habang patuloy ang imbestigasyon sa aksidente. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News