Nanlumo ang isang working student matapos kainin ng anay ang perang naipon niya, ayon sa ulat ni Jaime Santos sa Unang Balita nitong Biyernes.

Aabot daw sa P20,000 ang naipong pera ng estudyanteng si Randy na inilagay niya sa alkansiyang gawa sa karton na binalutan ng plastik. Mahigit kalahati nito o P14,000 ang kinain ng anay at P6,000 na lang ang natira.

Kaibigan daw ni Randy ang nakadiskubre sa nangyari.

Dahil sa nangyari, problema ni Randy ngayon ang pang-matrikula sa pasukan. Graduating pa naman siya sa kursong information technology.

Ayon sa Circular No. 829 Series of 2014 ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), may tatlong pamantayan para mapalitan ang nasirang pera:

  • Dapat ay may natira pang 60% sa laki o size ng pera;
  • Kailangang may natira alinmang bahagi ng pirma ng BSP governor o ng pangulo ng Pilipinas; at
  • Dapat nakikita pa ang security thread sa nasirang pera, maliban na lang kung nawala o nasira ang security thread sa sunog, kemikal, pagkakabasa, anay, daga o katulad na peste

Kailangan daw dalhin ang nasirang pera sa isang otorisadong bangko, na siyang magdadala nito sa BSP para masuri.

Kung pumasa sa requirements ang nasirang pera, idideposito ng BSP sa account ng bangko ang kaukulang halaga para maibalik ito sa kanilang kliyente.

Ang problema ni Randy, nagkapira-piraso na ang pera niya at nagmistulang lupa ang iba pa.

Dati nang hinihikayat ng BSP ang publiko na ideposito ang ipon sa mga formal account tulad ng bangko, e-money issuers, microfinance institutions at mga kooperatiba.

Regulated daw ang mga ito ng BSP at iba pang ahensiya kaya mas mapapangalagaan ang pera kaysa ipunin sa bahay. —KBK, GMA Integrated News