Patay sa pamamaril sa loob ng sasakyan ang Ecuadorean presidential candidate na si Fernando Villavicencio. Ang suspek, nasawi rin nang makipagbarilan umano sa mga security personnel.

Sa video na makikita sa social media, kapapasok lang ni Villavicencio sa sasakyan matapos ang dinaluhang campaign event sa Quito nang madinig ang sunod-sunod na putok ng baril.

Sa ulat ng Reuters, nangako ang pangulo ng Equador na si Guillermo Lasso na mananagot ang nasa likod ng asasinasyon ni Villavicencio, na dating mambabatas at mamamahayag.

"For his memory and his fight, I assure you that this crime will not remain unpunished," sabi ni Lasso sa X, ang social media platform na dating tinatawag na Twitter.

"Organized crime have gone very far, but all the weight of the law will fall on them," dagdag pa ng pangulo.

Pupulungin umani ni Lasso ang kaniyang top security officials kasunod nang nangyari kay Villavicencio.

Sa hiwalay na ulat ng Reuters, sinabi ng attorney general's office na nasawi sa mga tinamong sugat ang suspek sa pagpatay kay Villavicencio.

"A suspect, who was injured during the shootout with security personnel, was apprehended and moved, badly injured, to the (attorney general's) unit in Quito. An ambulance from the fire department confirmed his death, the police are proceeding with collection of the cadaver," ayon sa attorney general's office said.—Reuters/FRJ, GMA Integrated News