Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki na sangkot umano sa mga insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV ang pagbaybay ng suspek na si Rupert Cruz sa N.S. Amoranto Street sakay ang motorsiklo na ninakaw niya mula sa isang convenience store.

Humingi ng saklolo ang may-ari sa mga rumurondang pulis, na agad nagsagawa ng hot pursuit operation.

Sinundan ang suspek hanggang sa may North Cemetery, at napasuko sa tulong ng barangay at ng kaniyang mga magulang. Nabawi din ang ninakaw niyang motorsiklo.

Bago nito, na nahuli-cam na rin ang suspek na nakaupo sa harap ng fast food restaurant sa N.S. Amoranto corner Banawe Street noong Hunyo 1.

Nilapitan ng suspek ang isa sa tatlong nakaparadang motor, umupo saglit, bago nagpalinga-linga na parang kumukuha ng tiyempo.

Napatayo saglit ang suspek nang may dumating na sasakyan. Ngunit pagka-alis ng sasakyan, muli niyang sinakyan ang motorsiklo at tinangay na ito.

Nahaharap sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Law ang suspek, na umaming tinangay niya ang motorsiklo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News