Nakikipag-areglo umano ang ilang kamag-anak ng mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng isang 17-anyos na lalaki na napagkamalang suspek at nabaril sa police operation sa Navotas City. Pero ang pamilya ng biktima, hustisya ang nais.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GTV "State of the Nation" nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ng tama ng bala sa batok na tumagos sa ilong ang biktimang si Jemboy Baltazar.
Ayon sa kaibigan ni Baltazar, nasa bangka sila para pumalaot nang dumating ang mga pulis at nagpaputok ng baril bilang warning shot.
Tumalon sa tubig si Baltazar dahil sa pagkataranta at pinagbabaril hanggang sa tamaan ng bala. Tumagal pa ng tatlong oras bago nakuha mula sa tubig ang kaniyang katawan.
Ayon sa pulisya, ilan sa mga pulis na sangkot sa operasyon ang nagsabi na sa tubig lang sila nagpaputok ng baril, at may nagsabi rin na hindi sila kasama na nagpaputok.
Pero ayon kay Navotas Police Captain Anthony Mondejar, chief operation ng Navotas, Police, hindi tama ang paggamit ng warning shot.
“As much as possible, all available peaceful means ang dapat gamitin po ng police at ang use ng firearm is our last resort during police intervention," paliwanag ng opisyal.
"Justification lang po sa paggamit ng firearm is kung yun talaga ang last resort natin. Depends sa stranger. Warning shots are prohibited,” dagdag pa niya.
Ayon sa kapatid ni Baltazar, may mga kamag-anak ng mga sangkot na pulis na nagtangkang aregluhin umano sila.
"Sila na raw po lahat sasagot [sa libing]. Ang sabi po namin hindi na po namin kailangan kasi mayroon na pong sumagot. Nag-ano po ng P50,000 po," ayon kay Jeraldine na desididong ituloy ang kaso laban sa mga pulis.
“Tuloy po yung kaso sa kanila. Kulang pa nga 'yun sa ginawa nila sa kapatid ko eh,” giit niya.
Ang ina ni Baltazar na isang OFW, labis ang hinagpis sa sinapit ng kaniyang anak na kaniyang iningatan.
“Sobrang sakit. Takot na takot nga akong makagat 'yan ng lamok, yung pong mabaril po siya ng ilang beses tapos tumagal pa siya sa ilog ng ilang oras… pinabayaan po siya ng mga pulis … Dapat di po nila pinagbabaril agad. Di po makatao yung ginawa nila sa anak ko,” hinanakit ni Rodaliza.
Ayon sa pulisya, may tinutugis na suspek sa pamamaril ang mga pulis nang mangyari ang insidente. Batay sa natanggap na impormasyon ng mga ito, nasa bangka ang suspek, at iyon ang dahilan kaya napagkamalan si Baltazar.
Inalis na sa puwesto ang anim na pulis na sangkot sa insidente at sasampahan ng kaukulang reklamo. --FRJ, GMA Integrated News