Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang proklamasyon o pagdeklarang panalo ng Commission on Elections (Comelec) kay Romeo Jalosjos Jr. bilang kongresista ng unang distrito ng Zamboanga del Norte sa nagdaang May 2022 elections.
Kasama sa desisyon ng mga mahistrado ng SC ang pag-utos sa Comelec na iproklama bilang tunay na nanalo bilang kongresista si Roberto “Pinpin” Uy Jr.
Sa inilabas na pahayag ng SC Public Information Office (PIO), sinabing batay sa En Banc deliberations ng mga mahistrado nitong Martes, nakitang may grave abuse of discretion sa bahagi ng inilabas na Comelec En Banc’s order na may petsang May 2022 at resolusyon na may petsang June 2022.
Hunyo 2022 nang iproklama ng Comelec si Jalosjos bilang panalo sa congressional race sa lalawigan kahit pa lumitaw na pangalawa lang siya kay Uy sa nakakuha ng pinakamaraming boto.
READ: Jalosjos Jr., nanalong kongresista matapos idagdag sa kaniya ang boto ng kalaban
Nakakuha si Uy ng 69,591 boto, kontra sa 69,109 na boto ni Jalosjos.
Pero naghain ng mosyon si Jalosjos sa Comelec na huwag iproklama si Uy dahil siya ang tunay na panalo nang ideklarang nuisance candidate si Frederico Jalosjos (F. Jalosjos).
Lumobo ang boto ni Jalosjos sa 74,533 dahil idinagdag sa kaniya ang 5,424 boto ni F. Jalosjos. At dahil sa nadagdag na boto, lumamang si Jalosjos ng 4,942 boto laban kay Uy, at siya ang idineklarang panalo.
Sa desisyon ng SC, sinabi ng mga mahistrado na dapat iproklama bilang panalo ang kandidato na may pinakamaraming boto.
“In Uy’s case, the COMELEC, motu proprio, ordered the suspension of his proclamation even though the PBOC had clear basis to proclaim Uy as the winning candidate, having garnered the highest number of votes,” nakasaad sa pahayag ng SC PIO.
“The Court also noted there were several irregularities in the COMELEC En Banc’s suspension order, with the copy sent by electronic mail to the PBOC in advance, undated, and lacking the complete signatures of the COMELEC members as well as a certification and a notice signed by the COMELEC’s Clerk of Court,” dagdag nito.
Kinatigan din ng SC ang posisyon ni Frederico Jalosjos sa isyu ng pagdedeklara sa kaniyang nuisance candidate.
Ayon sa mga mahistrado, makikita ang kaibahan ng “Jalosjos, Kuya Jan (NUP)” at “Jalosjos, Jr., Romeo (NP)” sa balota.
Nang hingan ng komento sa desisyon ng SC, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na hindi siya naging bahagi ng tinalakay na resolusyon. Pero sinusunod umano ng Comelec ang pasya ng SC.
"That is why it is our commitment that from now on, all nuisance cases will be resolved before the election in manual elections or before the printing of the ballots in automated elections to avoid this situation," ayon sa opisyal.-- FRJ, GMA Integrated News